Konek Pinoy: A Place where Everybody Cares!
Would you like to react to this message? Create an account in a few clicks or log in to continue.



 
HomePortal**GalleryLatest imagesSearchRegisterLog in

 

 ANG MGA MAGULANG.....

Go down 
AuthorMessage
ken_saudiboy
Haligi ng Konek
 Haligi ng Konek
ken_saudiboy


Gender : Male
Date Joined : 2009-08-19
Reputation : 15

ANG MGA MAGULANG..... Empty
20100509
PostANG MGA MAGULANG.....

ANG MGA MAGULANG...
(short story)

Ang mga magulang…..sandigan natin sila tuwing mayroon tayong mga problema, kadamay natin sa lahat ng uri ng pighati at pagdurusa natin sa buhay, kasama natin sa mga halakhak at tawa na nararanasan natin, kaagapay natin tuwing may sakit tayong nararamdaman sa ating katawan at siyempre sila ang nagbigay sa atin ng buhay. Sabi nga ng mga matatandang bulaan (hehehe, narinig ko lang po iyon sa kapitbahay namin), “tadtarin man ng pinong-pino ang katawan natin kulang pa raw pambayad sa mga paghihirap ng magulang natin” (ay kasakit kaya nung tadtarin, wag namang ganung magiging masaker na ang labas ng kwento ko). Ganito na lang kaya “paluin ka man ng mga walis-tingting sa iyong binti, bali-baliktarin man natin ang sarili (paano kaya iyon), itiwarik man natin sa kisame ang mga katawan natin o kaya ilubog man tayo sa kumukulong mantika (mas masakit pala ito, hehehe), ang suma total nun MAGULANG pa rin natin sila”. Hindi natin kayang ipagpalit sa kung anu mang bagay ang mga paghihirap nila sa atin kaya walang kapantay ang pagmamahal ng isang magulang sa kanyang mga anak. Kahit anu pa ang sabihin natin, pagbali-baligtarin man natin ang mundo hindi natin sila maikakaila na sa kanila tayo nanggaling.

Isa akong panganay sa limang magkakapatid, masasabi kong ang buhay namin sa probinsya ay hindi masyadong kaalwanan. Isang mangingisda ang aking ama na nagpapakahirap magtrabaho at nangangamuhan lang sa mga may-ari ng bangka sa aming lugar. Kapag nagngangalit ang panahon (dahilan upang hindi mailaot ang bangka), ang mga sikmura din namin eh tila dumadagundong na parang kulog sa kaitaasan. Iyon lang kc ang tanging pinagkukunan ng kabuhayan at pantawid sa araw-araw ng aming pamilya. Ang aking ina naman ay isang mabuting may-bahay at tumatayong ilaw ng tahanan.

Hindi ko naman sila masisisi kung bakit ganun ang buhay namin kc ang tatay ko eh ndi pa nakagradweyt ng hayskul samantalang ang ina ko naman ay hindi nakagradweyt ng elementarya. Kaya kung umasenso man kami nung mga kapanahunan na iyon, swertehan lang, pero mailap ang swerte parang namamana ka ng tungaw. Laging ang sabi sa amin ng mga magulang namin “kapag maikli ang kumot, matutong mamaluktot”. Hanggang kelan kaya kami mamamaluktot, hanggang kelan kaya hahaba iyong kumot na sinasabi ng mga magulang namin. Sabagay, ganun lang talaga pag anak ka ng mahirap na pamilya, talagang magtitiis ka ng husto.

Tiis dito, tiis dun at kung minsan talaga kung anu-anung tiis ang mararanasan mo na kahit anu sa inyong nasa hapag-kainan, pagsasaluhan ninyo. Natatandaan ko nga, galing ako sa aming paaralan nung mga panahon na iyon eh tila magkakarun ng bagyo. Pasalamat kami kc walang pasok kinabukasan sa paaralan namin kaya lang ndi pasalamat ang mga sikmura namin kc wala ring laot ang aking ama. Ang ginagawa naman ng aking ina, kakain un kahit ang ulam lang ay langis at asin o kaya toyo at sasabihin nun “ang sarap ng ulam ko ah, adobong baboy”. Kami naman magtatakang mga anak niya kc wala naman kaming nakikitang baboy kundi kanin lang, gagaya na lang kami sa kanya ng pagkain kesa magpalipas ng gutom. Pero siyempre kung minsan gusto mo me sabaw ang kanin, kaya timpla ka ng kape at ihalo sa iyong kanin. Tipid ka na sa ulam, aba tipid pa sa kung anu-anung rekado.

Isang gabi naman, naririnig ko na umiiyak ang aking ina pero hindi niya pinahahalata sa aming mga anak niya. Ndi ko talaga matiis ang ina ko na tanungin kung bakit siya nag-iiyak? (makulit kc ako nung bata pa kahit ngayon) Ang ama ko pala ay hindi na umuuwi ng ilang araw kc napadpad na pala sa laot (kc talagang maraming bagyo ang dumarating sa atin sa pinas). Anu pa nga ba ang magagawa namin kundi ang magdasal at umiiyak na lang. Ewan ko ba kung bakit lagi na lang ako advanced mag-isip at kung anu-anu na ang tanung na laging pumapasok sa isip ko. Panu kaya kung namatay na ang aking ama sa pagkakapadpad na iyon? Sino na ang mag-aalaga sa amin at magpapakain sa amin? Nagpadasal na kami, inilagay na namin ang larawan ng ama ko sa altar kasama ng mga larawan ni Mama Mary at Hesus. Pero cguro nga, matindi ang kapit-kamay namin at dininig talaga ng Diyos ang mga bulong namin sa Kanya. Ilang araw na pagkakawala ng aking ama, himala at dumating siya ng dis-oras ng gabi. Iyakan talaga kami nun kc kala namin ndi na namin makikita ng buhay ang haligi ng tahanan.

Nung mga panahon na iyon, ndi naman cguro kami mahirap pa sa daga. Kahit papanu me tinitirahan pa kami, kahit panu kumakain pa naman kami sa oras kahit anung ulam sa hapag-kainan, kahit panu me mga damit naman kami na sinusuot. Kahit panu ung sapatos na binili ng aking ina eh pde ko pang magamit ng apat na taon sa aking hayskul. Aba kahit panu, nakakapagsuot ako nung me aircon na sapatos kc mararamdaman mo ang hangin na pumapasok sa loob ng paa mo. Iyong kunting ulan lang, mararamdaman mo na me “water shoes” ka at kapag hinubad mo, hahalimuyak ang isang amoy na tiyak na ikalalayo ng lahat. Wala pa kayang nagbebenta ng ganun sa pinas kc ndi naman talaga ibebenta un kaya lang pde mo lang makuha un at makita sa tambakan ng mga gamit ng kamag-anak. Saan ka naman makakakita ng mga pamporma ko noon na pag hindi pinaglumaan ng tiyuhin ko o kaya pinagliitang mga damit ng mga pinsan ko kc sabi nga ni ina eh bagay na sa aking pampasko. Siyempre sasabihin naman ni ama, magtiis daw muna kami kc ndi pa siya sumasahod. Pag sumasahod naman, wala na siyang susuwelduhin kc over na ang cash advance (vale) namin sa tindahan ng amo niya.

Magkanu lang ba naman ang kada buwan ni ama, sa halagang dalawang libo at lima (2,500.00) peso. Ibabawas mo pa dun ang pagkain, kuryente at saka baon namin sa pang-araw-araw. Saan ba naman aabot yun? Sa mahal na kaya ng bilihin nun (hindi pa naman aq masyadong katandaan, mga 1980’s lang ito), magkanu na ang isang kilong bigas nun =P=16.00, tapos naturingan nga ang ama ko na mangingisda pero ang inuulam namin eh tuyo o kaya ang bobong isda (sardinas iyon kc katangang mga isda, pumasok sa loob ng lata). Sa madaling salita, nasa poverty level ang antas ng pamumuhay naming kc hindi pa sasapat ang sahod ni ama para sa amin.

May mga pagkakataon naman na sumasama din ako kay ama na mangisda sa dagat kaya lang isang gabi talagang ang tenga ko pinasok ng insekto habang nasa kalagitnaan kami ng panghuhuli ng isda. Wala akong magawa kundi ang umiiyak, sasabihin lang sa akin ni ama “parang hindi ka lalaki ah, wag kang umiyak kc malayo pa yan sa bituka”. Naks naman!!! kung hindi lang talaga masakit, bakit ako iiyak? saka ang pag-iyak ba para lang sa mga babae, mali ah. At saka bakit napasama ang bituka sa tenga, alam ko kaya na malayo ang tenga ko sa bituka. Hay!!! Kung alam ko lang na ganun ang sasabihin ni ama, sana itinago ko na lang ang pag-iyak ko kaya lang bata pa nga ako noon eh. Wala pa akong karapatan na sumagot ng pabalang o kahit hindi pabalang sa mga nakakatanda sa atin. Mahirap na baka mapadugo ang bibig ko o masuntok ako sa tiyan o kaya sabihan na “sayang lang ang pinag-aral ko sa inyo kung sasagot ka sa akin ng ganyan” o kaya sabihin sa akin na “kung alam ko na ganyan ka kabastos, sana hindi ka na namin ginawa ng ina mo”. Ang hirap kaya ng ganun, cguro kahit sino sa atin ayaw makarinig o makaranas ng mga ganung salita o me puwersang kasama.

Nagtaka lang ako sa aking ama, sumama ako sa aking mga tiyuhin at pinsan sa laot ng hindi siya kasama at hindi ko pati ipinaalam sa kanya. Iyon din ang trabaho ng mga pinsan na kababata ko sa amin. Tuwang-tuwa ako habang nasa laot, maraming nahuling iba’t-ibang klaseng isda ang aking mga tiyo. Aba sa murang edad ko na iyon, sumama ako at naranasan ko na mahirap pala talaga ang ginagawa nila lalo na sa malalaking bangka kc buhat ng mga banyera dito, hatak ng lambat dun, pala ng mga isda para ilagay sa foam at kung minalas ka baka maaksidente ka pa (kahit saan naman pala mayroong aksidente, pero sa laot talagang doble ingat din). Nang matapos ang paglaot sa malalim na karagatan sa aming probinsya, bumaba na kami sa bangka na sinasakyan namin. Nasiyahan ako sa pagbibigay sa akin ng isda ng mga tiyuhin ko, parte ko daw sa pagsama sa kanila. Natural ang nakaparte kong isda ay ipinagbili, nagtira lang ako ng pang-ulam namin. Nung gabi na magkakasalo kami sa hapag-kainan, nalaman na pala ni ama na sumama ako sa laot (sa liit ba naman ng barangay sa mga probinsya, siyempre sa salin-saling mga salita nakaabot sa kanya). Kala ko matutuwa siya kc natututo ang kanyang anak na magbanat ng sariling buto at kumayod sa pamamagitan ng mga pawis at batak sa lambat. Hindi ako nagpapakita ng pag-iyak kay ama ng mga panahon na iyon, sambit ko lang sa sarili “buti nga natututo ang anak mo na magtrabaho at magbanat ng buto sa sariling sikap, hindi ka ba natutuwa nun?”. Pero siguro alam ni ama na maghihinanakit ako kaya iyong tanung ko sa sarili, bibigyan niya ng kasagutan. “Alam mo totoy, ayaw ko na maranasan mo iyong hirap sa laot. Gusto ko makatapos ka muna ng pag-aaral mo bago ka humawak ng pera. Mangingisda na nga ako tapos ang mga anak ko mangingisda pa rin. Magsumikap kang makatapos ng pag-aaral tapos pag nakatapos ka na sa pag-aaral saka ka makakahanap ng magandang trabaho. Ang buhay mo kasama ng mga kapatid mo ay hindi dito sa dagat kasi mahirap talaga ang buhay ng isang mangingisda.” Malaking puntos ang tinuran ni ama na iyon para sa akin o para sa amin na ring magkakapatid o baka sa ating lahat na rin. Hindi naman ibig sabihin na minamaliit niya ang pangingisda sa mga punto niyang iyon, dahil sa totoo lang, dun kami nabuhay sa pangingisda niya. Gusto lang niyang ipamukha sa amin na magsumikap kaming magkakapatid para naman mabigyan ng kaginhawan ang magiging kinabukasan namin.

Ayaw kong isipin na mahirap kami pero nakikita ko sa aking ina ang tinding hirap na nararanasan niya kapag wala kaming bigas para iluto, pambaon sa pang araw-araw namin o kaya pambili ng ulam o gamut kung me mga sakit sa miyembro ng pamilya. Naaawa rin ako tuwing magbubuhat siya ng ilang kargada ng tubig o kumukuha ng mga labahan sa ilang mga mayayaman naming kapitbahay sa aming lugar para lang makatulong sa gastusin namin (hehehe, pero naaawa din ako pag walang pangtaya sa tong-hits o bingo si ina kasi iyon lang ang libangan niya kung minsan). Hindi ko sasabihin na “mama’s boy” ako pero sa totoo lang mas malapit ako kay ina kaysa kay ama. Sabagay, sino ba naman ang hindi magiging malapit sa ating mga ina? Magmula sa loob pa lang ng tiyan kasama na natin sila, samantalang ang ama natin ay wala sa tahanan at patuloy lang sa pagkayod para maisalba ang pamilya niya. Mas higit na nakikita ni ina ultimo mga sugat sa kalingkingan namin (nung magpatuli nga ako, mas nakita pa ni ina ang sugat dulot ng pokpok ng labaha at lukaw kaya siguro nangamatis iyong sa akin, hehehe). Laging tagapagtanggol kung me mga nang-aaway na bata sa paligid namin kasi ayaw ni ina na makikita ang mga anak niya na inaapi. Minsan nga, tagapagtanggol pa si ina kung pinapalo kami ni ama kung me mga nagawa kaming kasalanan o pagkakamali. Kaya kung minsan, pag alam ko na me nagawa akong kasalanan at alam ko na papaluin ako, tatakbo kaagad ako kay ina at talagang parang basang sisiw na magpapaawa. Isang musmos na talagang ang hawak kaagad ay ang kamay o ang medyo tabaing katawan ni ina para ipangharang lang sa pamalo ni ama o magtago sa palda ng aking butihing ina para lang magpakampi (madalang kaming paluin nina ama at ina kaya lang pag napupuno na siguro sa katigasan ng ulo ng mga anak). Kung tutuusin, isa siyang “wonder woman” para sa mga katulad nating mabubuting anak kc magaling talagang mag-alaga si ina ultimong pagluluto niya ng mga kung anu-anung putahe, masasabi mo lang talaga “the best mother”. Sabagay anak lang niya siguro ako kaya ko nasabi iyon at “the best” talaga kasi naranasan namin ang ganung atensyon ni ina kahit anu gagawin niya (dba iyong mga ina ninyo sasabihin nyo din, the best mother in the whole world).

Sino ba namang ina o ama ang mag-iisip ng ikakasama ng kanilang mga anak. Wala naman talagang magulang ang maglalagay sa bingit ng alanganin para lang mapahamak ang kanilang mga supling. Sabi nga sa isang kanta “malilimutan ba ng ama o ina ang isang anak na galing sa kanila”, dugo’t laman para lang mabuo ang isang katulad natin. Kaya lang hindi ba dyahe sa mga katulad nating mga repapeps ang magsabi ng “MARAMING SALAMAT’ o kaya “MAHAL KO KAYO AMA AT INA”, dahil pang jologs lang ang mga ganung salita pag sa magulang natin sasambitin. Sabihin ko man ng ilang libong beses ngayon na mahal na mahal ko sila dahil sa pagbibigay ng buhay sa akin, talaga namang parang kababawan at tinatakpan kaagad ako ng matinding hiya. Pero nabanggit ko lang ang mga salitang iyon sa aking mga magulang ng pumanaw na si ama. Malakas ang hagulhol ko ng mga panahon na iyon pero siyempre alam ko na masaya na rin siya sa piling ng tatlo ko ring kapatid na maagang binawian ng buhay. Ang isang pinagsisihan ko lang ng mga araw na iyon ay ang banggitin sa kanya na “mahal na mahal ko po kayo at maraming salamat sa lahat ng sakripisyo na ginawa mo para sa amin, AKO na po ang bahala sa aking ina at sa mga kapatid ko dito. Hindi ko po sila pababayaan”. Kaya lang hindi na niya maririnig iyong mga salitang iyon kasi nakaunat na ang mga paa niya at humimlay na ang kanyang katawan sa kanyang sariling tahanan(ataul). Kung totoong may time machine lang nung mga panahon na iyon, gusto kong ibalik para sambitin lang sa kanya ang mga katagang iyon kaya lang sabi nga nila, ang nakatakda ay nakatakda. Pero alam ko naman na kahit papanu masaya na rin si ama kasi hindi naman namin siya pinabayaan nung mga panahon na nakaratay sa banig ng karamdaman (naks lalim na salita, hindi ko matarok).

Kung sa pangaral at pangaral, tadtad na rin siguro kami, nakakatulig na nga sa tenga ang ilan at ang isang palasak na sinasabi ng mga magulang sa atin eh “wala kaming maipapamana sa inyo kundi ang edukasyon kaya mag-aral kayong mabuti para ndi ninyo maranasan ang ganitong buhay na dinaranas natin ngayon at iyan lang ang tanging maipapamana naming sa inyo na hindi makukuha ng iba”. Pero kung palasak man ito, tama lang siguro iyon para sa ating mga naghihirap at gustong umasenso sa buhay. Kahit cguro nakakatulig sa ating pandinig ung mga ganung pangungusap, alam ko na magiging magulang din tayo sa mga susunod na panahon (katunayan ama na ako ngayon, hehehe) at iyon din ang sasabihin natin sa ating mga anak. smile


Last edited by ken_saudiboy on Thu May 13 2010, 14:16; edited 2 times in total
Back to top Go down
Share this post on: reddit

ANG MGA MAGULANG..... :: Comments

RINGO STARR
Re: ANG MGA MAGULANG.....
Post Thu Mar 03 2011, 14:30 by RINGO STARR
kaya pala wala ka ng maipasa na report nandito na pala lahat nasabi mo na hahahahaha... pwes nang dahil dyan wala kang overtime ngayon hahahahahaha... rolling 4 laugh
ken_saudiboy
Re: ANG MGA MAGULANG.....
Post Wed May 19 2010, 17:32 by ken_saudiboy
Thanks Lollipuff. ganun nga lang siguro ang mga magulang. ang gusto nila ay mapabuti ang kanilang mga anak. at siguradong alam ko, na tayo din bilang mga magulang ay ninanais din magkarun ng magandang buhay ang ating mga anak kaya kahit anung sakripisyo ay gagawin natin para mailagay lang natin ang mga anak natin sa isang maayos na kinabukasan. smile
Lollipuff
Re: ANG MGA MAGULANG.....
Post Thu May 13 2010, 07:09 by Lollipuff
smile very touching ang blog mo ken..
sad but true.. still marami pa ring ganyang buhay sa probinsya
ang naranasan mo nung bata ka pa...
pumanaw man ang yung ama ng maaga.
masaya sya sa nakikita nya ngayon. :):
ken_saudiboy
Re: ANG MGA MAGULANG.....
Post Sun May 09 2010, 14:35 by ken_saudiboy
enjoy reading.... grin/emo
Re: ANG MGA MAGULANG.....
Post  by Sponsored content
 

ANG MGA MAGULANG.....

Back to top 

Page 1 of 1

Permissions in this forum:You cannot reply to topics in this forum
Konek Pinoy: A Place where Everybody Cares! :: RECREATION :: KP Bloggers-
Jump to: