Taong 1983. Dumating ang Tatay ko mula sa hindi nya natapos na kontrata sa Saudi. May dala syang hindi kalakihan na Casio Keyboard. Sa panahon din na yun ay paminsan minsan pumapasyal sa amin ang aking mga Tito para tumugtog. Madalas din inuuwi nila ang pasalubong na instrumento ng aking Tatay.
Nakakatuwa silang panoorin. Hindi matawaran ang husay nila kahit pa sabihing wala silang formal training at pakapa-kapa lang. Palibhasa mga gitarista kaya may likas na husay sa musika. Tahimik na may buong paghanga ko lang sila pinapanood. Kapag tapos na sila saka ako sisingit at pilit na ginagaya ang ginagawa nila. Hanggang sa tumagal ay kahit papaano natutuhan ko ang ilan sa mga piyesa ng aking mga Tito.
Paslit pa lang ako nun kaya wala sa isip ko na iyon ay seryosohin. Para sa akin iyon ay laro lamang. Ganun pa man kahit papaano ay hinangaan ako sa taglay kong musmos na talento.
Isang araw nabigla ako ng may kinuhang private tutor ang Tatay ko para turuan mag keyboard ang mas nakaka-bata ko na kapatid na hindi ko naman nakitaan ng interest sa pag tugtog. Hindi naman ako nagdamdam. Ni katiting na sama na loob ay wala. Pero sa likod ng murang isipan ay merong malabong tanong na hindi ko mabuo.
Simula nun ay dumalang na ang aking pag tipa. Hindi ko na alam kung ano ang nangyari sa pag aaral ng kapatid ko o sa madali't salita hindi ko na inalam dahil ang atensyon ko ay napunta sa ibang laro kasama ang aking mga kaibigan at kaklase.
Hindi nagtagal ay binenta ng Tatay ko ang keyboard. Tandang tanda ko na isang beses sinabihan ko sya na huwag. Pero wala din nangyari.
Lumipas ang mga taon ay muli nag abroad ang aking Tatay.
Nung nasa college na ako binilhan uli kami ng Tatay namin ng keyboard. Kaperas na tatak pero mas malaki at maganda kaysa sa nauna. Pero hindi lumaon ay nabenta din. Nakwento ko nga sa isang kaibigan ko kailan lang, na ang mga gamit namin dati ay hindi nasisira pero hindi din nagtatagal. Natawa sya kasi nakuha nya agad ang ibig ko sabihin.
Kamakailan lang ay dumating ang kapatid ko mula sa gitnang silangan. May dala sya na Yamaha Keyboard na pinangako nya sa akin bago pa sya umuwi ng Pinas. Mas malaki. Mas maganda. Pero Tinanggihan ko. Sabi ko sa bunsong kapatid na lang namin kasi bata pa, magaling mag gitara at may potential. Pero ayaw ni bunso. Gitara lang ang gusto nya. Kahit ano pa ang sabihin ko na pag aralan nya kahit konti ay ayaw. Kaysa naman walang gumamit sinabi ko sa kapatid ko na akin na lang. Pumayag sya. Para sa akin naman daw talaga yun.
Nakakatuwa. Ang kapatid ko na binigyan ng private tutor ng aking Tatay ay sya din na kapatid ko na nag regalo sa akin ng unang instrumento na minahal ko.
Sa tulong ng internet madaming paraan para matuto. Nandyan ang youtube na may mga nagkalat na videos para sa detailed and step by step piano tutorials. Pero sa tigas na ng mga daliri ko ay napakahirap ng tumipa. Sabagay tanggap ko naman sa sarili ko na libangan na lang talaga. Sinabi ko sa sarili ko na siguro kung tinuloy tuloy ko nung bata pa ako baka sakali siguro ay kahit papaano ay humusay ako.
Sa ilang araw na dumaan habang ginagamit ko ang bago kong laruan ay bigla pumasok sa isip ko yung pangyayari nung bata pa ako. Lumiwanag ang dati na malabong tanong na hindi nabuo nung ako ay musmos pa. Kung bakit ang mas nakakabata ko na kapatid ang binigyan ng pagkakataon sa bagay na aking pinagka-interesan? Muli ko naalala yung panahon na yun na hindi ko naman kinasama ng loob pero pagkatapos ng dalawampu at pitong taon ay ngayon ako bigla nakadama ng konting selos.
Pero ok na ako ngayon. Promise!
Thu Feb 25 2010, 11:17 by RINGO STARR